Ang Pagnanakaw
Posted on Monday, 15 August 2016
ANG PAGNANAKAW
Ni Apolinario Villalobos
Madalas kong marinig sa iba kong kaibigan
na hindi daw dapat pagkatiwalaan ang mga nangangalakal o scavengers dahil ang
iba sa kanila ay nagnanakaw kapag nagkaroon ng pagkakataon. Sinong tao ba ang
hindi nagnakaw sa tanang buhay niya?....yan ang pinang-boldyak ko sa kanya
dahil sa inis ko. Tinanong ko rin kung hindi ba siya nangopya noong estudyante
pa siya o di kaya ay nangupit sa pitaka ng nanay niya upang may pangbili ng
sigarilyo kahit nasa high school pa lang, kaya ngayon ay naging chain smoker na
siya.
Kung hindi bibigyan ng dahilan ang mga
taong magnakaw, ibig sabihin ay akitin sila, mawawalan sila ng pagkakataong
gawin ang katiwaliang ito. Ang problema ay ugali ng iba na burara at
mayabang….nagdi-display ng cellphone na tig-30 thousand; binabalot ang katawan
ng ginto kaya aakalain mong may hepatisis kahit mamalengke lang; pinapatugtog
ng malakas ang stereo at TV upang mapansin; nagkukuwento ng kanilang karangyaan
kesyo malaki ang sweldo ng mister; iniiwang bukas ang bag upang masilip ng
katabi sa jeep ang lamang mga gadgets; iniiwang bukas ang gate kung aalis ng
bahay; etc.
Hinuhusgahan ng iba ang mga kapus-palad na
magnanakaw, pero hindi nila isinasaalang- alang ang pagnanakaw na ginagawa ng
mga edukadong opisyal sa gobyerno na dapat ay nagbibigay proteksyon sa mga
mamamayan kaya sila ibinoto. Hindi rin nila naisip na ang pagnanakaw ay hindi
lang tungkol sa kaperahan dahil maraming empleyado ang nagnanakaw ng oras na
laan dapat sa kanilang trabaho sa pamamagitan ng sinasadyang pagpapatagal ng
lunch break. At, ano ang masasabi nila sa “Monday/ Friday sickness” na
sinasadyang dahilan ng mga empleyado upang pumalya sa pagpasok kaya naapektuhan
ang operasyon ng kanilang opisina? Ang pagsira sa tiwala ng asawa, hindi ba
isang uri rin ng pagnanakaw? Ang “plagiarism” na madalas nang gawin ngayon ng
mga estudyante sa pamamagitan ng pag-copy/paste ng mga nire-research nila kuno
sa internet upang may maipasa sa kanilang propesor na tamad mag-check, hindi ba
pagnanakaw ng kaalaman ng iba?
Para sa akin, lahat ng mga gawain na may
kinalaman sa kawalan ng katapatan at pagkawala ng tiwala ay pagnanakaw…kaya
pasok din ako diyan dahil noong maliit pa ako ay nagnakaw ako ng balimbing at
lagas na sampalok sa kapitbahay namin para ibenta sa eskwela at nang may
maipambili ng mga gamit; kasama ang barkada ay nagnakaw din ng mga malalaking
bayabas ng mga madre ng katabing high school; nagnakaw din ng tuba kasama pa
rin ang barkada sa Agdao (Davao) tuwing kabilugan ng buwan….etc.
Kaya yong mga ipokritong mahilig manghusga,
tumahimik na lang dahil kung ikumpara ang mga ninakaw ng mga hinuhusgahan
nilang mga kapus-palad, wala pa sa katiting ang mga ito ng mga ninakaw at
ninanakaw pa ng mga walang modong nasa gobyerno – ibinoto man o mga ordinaryong
empleyado, pati na ang mga nasa pribado na oras naman ang pinagdidiskitahan.
Kung sabihin naman ng mga ipokritong ito na ang isyu dito ay ang “act” o ang “paggawa”
na pagnanakaw….pag-isipan din nila ang intensiyon ng pagnakaw. Ang mga kapus-palad
ay nagnanakaw upang may makain kahit isang beses isang araw o para may ipambili
ng gamot o gatas ng anak, samantalang ang mga “big-time” na magnanakaw ay
nagnanakaw sa kadahilanang sila ay TALAGANG SAGAD SA BUTO ANG PAGKA-GANID…na
pagpapakitang walang epekto ang mga pinag-aralan nila sa mga high-end na
kolehiyo at unibersidad!
Discussion