0

Ang Pulitika ay naging Salot na Sumisira ng Lipunan

Posted on Thursday, 4 August 2016

ANG PULITIKA AY NAGING SALOT NA SUMISIRA NG LIPUNAN
Ni Apolinario Villalobos

Sa lipunang may demokrasya at pinapatakbo ng sistema na pinili ng mga mamamayan ay kailangang magkaroon ng tinatawag na “fiscalizer” o tagapuna ng mga maling ginagawa ng mga nakaupo sa puwesto. Maganda sana ang ganitong sistema upang mabalanse ang mga pangyayari sa isang bansa. Ang karamihan sa mga “fiscalizer” ay  mga talunan sa eleksiyon kaya bumabatikos sa mga ginagawa ng mga nanalo. At, ang iba naman ay mga may adbokasiyang bumatikos sa mga maling gawain sa iba’t ibang larangan. Maganda sana ang layunin subalit ang “fiscalizing” ay inabuso nang makulapulan ng maruming pulitika dahil ginagamit ng mga talunan upang gumanti sa mga nanalo.

Ang demokrasya at eleksiyon ay kinonsepto ng mga pantas noong unang panahon at may magandang layunin para sa mga mamamayan. Ginamit ito ng maraming bansa, subalit ngayon, ito ay pinaitim at pinalapot ng korapsyon. Sa halip na makatulong sa isang bansa, ang pulitika na sana ay isang demokratikong paraan ay naging salot na ng lipunan. Ginamit na itong tuntungan at instrumento ng mga may tiwaling iniisip pag-upo nila sa puwesto, na nakasentro sa pagpapatagal ng kapit sa kapangyarihan at pagpapayaman sa anumang paraan.

Sa kasamaang palad, pati ang pinakamababang baytang ng sistemang pulitikal ng isang bansang tulad ng Pilipinas, ay naging korap na rin, sa diretsahang pagsabi. Ang tinutukoy ko rito ay ang barangay, munisipyo, at lunsod. Nakakalungkot dahil sa halip na magtulungan ang magkakapitbahay na gustong mamuno, sila ay nagsisiraan at nagpapatayan pa!…nagbabatuhan ng putik! Magmumukha akong tanga at ipokrito kung sasabihin kong walang perang kikitain sa mga puwestong pinaglalabanan. Pinagpupundaran ng pera ang pagtakbo na dapat ding mabawi sa anumang paraan kapag nanalo….ganoon lang. Ang hirap lang sa iba ay naging sobra ang pagnanasa. Okey na sana kung “sapat lang” ang hinahangad, subalit lumalampas sila sa hangganan na itinakda upang hindi umabot sa pagkagarapal. Tanggap na rin naman na hindi talaga nawawala ang kumisyunan sa gobyerno….kaya dapat sana ay hinay-hinay lang sila upang hindi masyadong obvious.

Sa ganang ito, ang ibang nag-aambisyon nang patago o tahimik lang….yong pangiti-ngiti na animo ay inosente at mabait ay sa loob pala ang kulo. Tulad ng isang tao na ikinuwento ng isa kong kaibigan. Ito raw ay aktibo sa simbahan, maka-Diyos wika nga. Subalit nang alukin upang tumakbo sa isang puwesto ay hindi magkandaugaga at tila nawawala sa sarili sa pagpapapel “loud speaker” sa pagpakalat ng paninira sa magiging kalaban sa eleksiyon. Nakalimutan niyang siya ay isang “taong simbahan” kaya inaasahang “maka-Diyos” ang pagkilos niya at pananalita. Nakakalungkot, dahil sa ambisyong makapasok sa pulitika ay nawala sa sarili ang taong ikinuwento ng kaibigan ko, ganoong wala naman daw itong napatunayan bilang lider. Hindi rin daw naisip ng taong ito na ang ikinakalat niyang paninira ay hindi niya personal na napatunayan kaya pwede siyang mademanda ng sinisiraan. At, hindi rin niya naisip na dapat ay pairalin niya ang delikadesa sa pamamagitan ng pag-resign sa maka-Diyos niyang responsibilidad….subalit hindi niya ginawa. Saan napunta ang itinuro sa kanya noong maliit pa siya na ang Diyos ay nakakakita ng lahat…kasama na diyan ang ginagawa niya?

Dapat isipin ng taong ito na kung hindi naman niya kilala ang taong sinisiraan ay para lang siyang itinutulak tungo sa kumunoy ng intriga na hindi na niya matatakasan. At, higit sa lahat, paano kung gantihan rin siya ng mga nagmamalasakit sa taong sinisiraan niya dahil sa “Golden Rule” na nagsasabing “huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sa iyo”? Baka ang mga huling araw niya sa mundo na dapat sana ay mapayapa dahil sa tinatawag na “retirement” ay magiging masalimuot!

Mali ang diskarte ng taong ikinuwento ng kaibigan ko dahil dapat ay ipinilit niya ang pagkamaka-Diyos niya upang makatulong sa grupong sasamahan niya. Sana ay pinanaig niya ang kanyang adbokasiya na maka-Diyos (nga ba?) at hindi nataranta dahil sa ambisyong makapasok sa pulitika. Sana ay pinayuhan niya ang kanyang grupo na iwasan ang paninira sa mga makakalaban nila. Subalit kung talagang nabulagan siya kaya ganoon siya kadaling “bumaligtad” ng panuntunan sa buhay, paano pa siyang pagkakatiwalaan ng mga taong hihingan niya ng boto? Magtitiwala pa ba ang mga botante sa kanya na sa kabila ng tagal na panahon niyang pagsuot ng kuwentas na may malaking krus ay biglang nanira ng ibang taong hindi naman niya kilala…dahil lang sa pulitika?

Kung ayaw  magbago ng diskarte ng taong ikinukuwento ng kaibigan ko dahil nuknukan daw talaga ng kayabangan ang taong ito….bahala na ang Diyos niya sa kanya! Nakakagimbal din ang desisyon niyang ipagpalit ang Diyos niya sa pulitika!....ang buhay nga naman!



Discussion

Leave a response