0

Ang Napabayaang "Bilao/Tumpok/Kariton/" Sektor ng Ekonomiya ng Pilipinas

Posted on Wednesday, 31 August 2016

ANG NAPABAYAANG “BILAO/TUMPOK/KARITON” SEKTOR
NG EKONOMIYA NG PILIPINAS
Ni Apolinario Villalobos


Bulag ang gobyerno sa katotohanang napakalaking bahagi ng populasyon ng Pilipinas, o sa Manila na lang ang umaasa sa maliit na pagkikitaang nakatumpok sa bangket at bilao, at ang puhunan ay galing sa mga Bombay. Napakaraming Pilipino ang umaasa sa ganitong uri ng pangkabuhayan dahil hindi nila kayang umupa ng puwesto sa commercial building, mall, at mga palengke. Sa halip na tumunganga sa kawalan, maraming pamilya – magulang at mga anak ang namumulot ng mapapakinabangan pang gulay na tinatapon ng mga biyahero o wholesaler sa Divisoria. Ang iba ay nagpupuwesto sa mga bangketa sa iba pang bahagi ng Maynila upang magbenta ng kape, kendi, biscuit, chicherya, at iba pa na ang tubo ay barya-barya.

Sa halip na mag-isip ng paraan ang gobyerno kung paanong makontrol ang mga taong ito upang hindi sila makasagabal sa trapiko at mga pedestrians, ang ginagawa ay basta na lang kinukumpiska ang mga gamit sa pagbenta at mga kalakal kaya ang mga inutang na puhunan ng mga tinaboy na mga vendor ay nawalang parang bula!

Dapat tanggapin ang katotohanang ang Pilipinas ay hindi pa kahanay ng Singapore at iba pang mga mauunlad na bansa sa ibang panig ng mundo. Dahil diyan dapat asahan na hindi lahat ng mga mangangalakal o nagbebenta ay may puwesto sa malls at palengke at zero ang sidewalk o ambulant (kariton) vending.

Hindi rin mawawala kahit kaylan ang “bazaar o tiyangge business mentality” nating mga Pilipino dahil bahagi na ito ng ating kultura noon pa man. Kahit maglipana pa ang mga malls sa iba’t ibang panig ng bansa, magkakaroon pa rin ng mga negosyanteng tingi-tingi ang kita dahil ang kaya lang ay maliit na puhunan. Ito ang dahilan kung bakit hindi 100% na mga vendors ay maipapasok  sa mga modernong palengkeng pilit isinusulong ng Manila sa tulong ng mga private investors. Magkakaroon pa rin ng mga vendors na ang gamit ay mga bilao at kariton sa labas ng mga modernong pasilidad na ang iba ay aircon pa, sa di-kalayuan mula sa kanila.

Sa pagpa-moderno ng mga palengke, dapat maglaan din sana ng bahagi para sa mga nagbibilao upang hindi na sila kumalat pa sa mga sidewalk. Kapag ginawa ito, hindi na magrerekalamo ang mga maliliit na nagtitinda kahit magbayad sila ng legal na arawang upa, kaysa naman magbigay ng tong sa mg protector na taga-City Hall o pulis. Ang isa pang paraan ay maglaan ng mga lugar para sa permanenteng “night market” para sa maliliit na negosyante. Sa ibang lugar ay umiiral na ito tulad ng Divisoria at Baclaran kung saan, ang mga negosyante ay nagliligpit pagdating ng alas siyete ng umaga.


Dapat maging makatotohanan ang mga panukalang pang-ekonomiya ng gobyerno upang pati ang maliliit ay makinabang din. Hindi lang dapat magturo kung paanong magnegosyo na ginagawa ng iba’t ibang ahensiya dahil aanhin ang kaalaman kung wala namang puhunan?

Discussion

Leave a response