0

Irrelevant ang ROTC pero dapat ay Maayos ang Ipapalit

Posted on Thursday, 4 August 2016

IRRELEVANT ANG ROTC
PERO DAPAT AY MAAYOS ANG IPAPALIT
Ni Apolinario Villalobos

Hindi na angkop ang Reserved Officers Training Corps (ROTC) sa kasalukuyang panahon. Itinatag ito noon upang panggalingan sana ng mga sundalong magtatanggol sa bansa sa panahon ng digmaan. Sa makabagong digmaan, hindi na gaanong gumagamit ng mga sundalo o tao, sa halip ay makabagong sandata, lalo na ng iba’t ibang uri ng bomba. Kung makipagdigma ang Pilipinas sa Tsina halimbawa, dalawa lang o tatlong missile, erase na sa mapa ang bansa.

Inabuso rin ang ROTC ng mga nagpapatupad dito na mga military o police officers na suwelduhan ng mga eskwelahan. Ipinilit nilang gawin ng mga estudyante ang pinapagawa sa mga nire-recruit na sundalo at pulis tulad ng “hazing” kaya namutiktik ang media noon ng mga kuwento tungkol sa mga estudyanteng namatay dahil sa “hazing”. Ang isa pang uri ng pag-abuso ay ang overpricing ng mga uniporme kaya nadagdag sa pasanin ng mga magulang, kaya malinaw na naging isang uri ng corruption ng kung sino mang staff ng eskwelahang nagpapatupad sa pakikipagkutsabahan sa mga training officers na taga-labas.

Okey ang Community Service na pangpalit sa ROTC subalit dapat ay ayusin ang programang ito upang hindi limitado sa paglilinis lang ng kapaligiran. Dapat gawing kapani-paniwala ang programang ito upang hindi lumabas na parang “picnic” o “outing” ng mga estudyante dahil sa suot nilang puting t-shirt at tight-fitting na pantaloon…kuntodo make up pa ang mga feeling pretty. Paano silang makakapaglinis ng maayos kapag ganoon ang ayos nila? Dapat ay working attire ang ipasuot sa kanila.

Ilang grupo na ang nakita ko na nagko-Community Service kuno pero “sabog” sila…hindi alam ang gagawin, lalo pa at kung minsan ay hindi coordinated sa barangay ang kanilang activities. Nagpapalusutan pa sa pagpirma ng accomplishment report dahil maski walang masyadong nagawa ang mga estudyante ay napipirmahan ang kanilang report na pangsumite sa eskwela. May mga nakita ako na humawak nga ng walis ay bilang prop lang para sa selfie. Gusto kong linawin na HINDI LAHAT ng nagko-Community Service ay ganito ang ginagawa. Mayroon din namang seryoso sa kanilang ginagawa.

Kung seryoso sa pag-Community Service ang mga eskwelahan bilang pangpalit sa ROTC, ang suggestion ko ay mag-adopt sila (eskwelahan) ng plaza, ilog, Day Care Center, chapel, depressed community, orphanage, new Christian church, at paalagaan ang napili sa mga estudyante sa anumang paraang kaya nila. Gumastos man ang mga estudyante ng boluntaryo ay may kabuluhan. Pwede silang mag-solicit ng mga damit, bibliya, gamit-eskwela at iba pa para sa mga depressed areas na inampon nila; magpaganda ng kapilya; magturo ng pagbasa at pagsulat sa mga bata at matatanda; magtanim ng mga halaman sa plaza, etc. Sa mga nabanggit na paraan ay kitang-kita ang kanilang accomplishment at pwede pang mag-seremonyas tuwing matapos ang semester. Dapat i-maintain ng mga eskwelahan ang adoption hangga’t nag-ooperate sila upang lumabas na isa ito sa mga community outreach programs nila. Ang mga project ay pwede pang gamiting model sa mga kursong may subjects na Social Work, Psychology, etc. na itinuturo sa mga estudyante nila.

Kung paghahanda upang maging makabuluhang mamamayan ang mga estudyante, ang pagko-Community Service ay isang magandang pagkakataon at paraan….. hindi ang pagsusuot ng military  fatigue at mabigat na bota.


Ang pakikipagdigma natin ngayon ay laban sa droga, masamang ugali, korapsyon sa gobyerno, mga tiwaling opisyal, kagutuman, kamangmangan, at hindi laban sa kung anumang bansa, kaya ang kailangan ay linangin o paghandain ang mga kabataan upang magkaroon ng matatag na  pagkatao at malinis na diwa…..diyan masusukat ang kanilang pagka-Pilipino pagdating ng panahon.

Discussion

Leave a response