Antonette....Nakadanas Mangalakal at Tumira sa Bangketa, ngayon ay Eskolar sa Kolehiyo
Posted on Thursday, 11 August 2016
ANTONETTE…NAKADANAS MANGALAKAL AT
TUMIRA SA BANGKETA, NGAYON AY ESKOLAR SA
KOLEHIYO
Ni Apolinario Villalobos
Si Antonette ay nag-iisang anak ni Minda na
nagtitinda ng kape, tinapay at tsitserya sa bangketa malapit sa Sta. Monica St.
ng Ermita na nai-blog ko two days ago. Nahiya akong tanungin noong unang
nag-usap kami kung single mom si Minda pero mabuti na lang at siya mismo ang
nagsabi na maliit pa si Antonette ay namatay na ang tatay nito nang magkita
kami uli. Bumalik ako sa puwesto ni Minda upang maghatid ng kumot at ilang gamit.
Mabuti rin at napaunlakan ang pakiusap kong makita si Antonette kaya walang
kaabug-abog na sindundo siya ni Minda mula sa inuupahan nilang maliit na
kuwarto.
Sa mabilis na pag-uusap namin ni Antonette,
nalaman kong eskolar pala siya, kaya sa isang semester ay mahigit lang ng
kaunti sa sampung libong piso lang binabayaran sa Universidad de Manila subalit
malaki ang nagagastos pa rin sa mga project at iba pang requirements para sa
kurso niyang Business Administration. Ang allowance niya sa isang araw ay
150pesos. Second year na siya at napansin ko ang hawak niyang lumang cellphone
na inamin niyang ginagamit niya sa kanyang pag-research. Tulad ng ginagawa ng
ibang mga kinakapus na estudyante, naghahanap siya ng libreng wifi site upang
makapag-browse. Hindi nila kaya ang bayad sa internet café na ang singil ay
hindi bababa sa 30pesos kada oras. Hindi ko na tinanong kung saan galing ang
cellphone dahil baka isipin niyang masyado akong maurirat.
Nang makiusap ako kung pwede akong sumama
sa kanya sa inuupahan nilang kuwarto ay malugod niya akong pinagbigyan. Mula sa
puwesto ng nanay niya ay nilakad namin ang di-kalayuang kanto ng Sta. Monica at
pumasok kami sa isang maliit na sidestreet. Naalala ko ang mga eskinita sa
Baseco compound na pinapasok ko habang binabaybay namin ang eskinitang maputik
at sa isang gilid ay mga barung-barong. Akala ko, nang pumasok kami sa isang
maliit na pinto, nandoon na ang kuwarto. Ang ground floor ay marami ring
maliliit na kuwarto. Pumasok pa kami sa isang maliit na pinto bago itinuro ni
Antonette ang butas sa itaas na animo ay manhole lang sa laki. Ito ang
“lulusutan” papunta sa “second floor”.
Sa tabi ng matarik o halos patayong hagdan
papunta sa “second floor” ay may isa pang kuwarto na ang pinakatakip ay
kurtina. Hahawiin ko sana out of curiosity kung hindi ko narinig ang, “may tao
pa kuya”….CR pala! Unang “lumusot” si Antonette sa butas papunta sa “kuwarto”
niya at sumunod ako. Dahil sa kalakihan ko ay halos hindi ako kasya at
kinabahan pa ako dahil sa dulas ng matarik na hagdanang gawa lang sa maliliit
na pinagtagpi-tagping kahoy.
Ang kuwarto ay talagang maliit. Kung ako
siguro ang hihiga sa loob ay nakalabas ang mga paa ko sa pinto. Para lang itong
malaking cabinet. Walang bintana at ang pinanggagalingan ng hangin ay isang maliit
na electric fan. Ang upa sa kuwarto ay
1,500 pesos isang buwan, libre nga lang ang tubig at ilaw kaya pinagtitiyagaan
ng mag-ina. Ang nakakabahala lang ay kung magkaroon ng sunog. Siguradong lahat
ng nakatira sa lugar na yon ay masasawi.
Nang bumalik ako kay Minda, tinanong ko
siya kung bakit wala halos siyang paninda ganoong maaga pa. Wala raw siyang
pambili at ayaw pa muna siyang pautangin ng Bombay at nagpaparinig pa daw ito
na mahirap maningil kaya dapat ay magbayad pa daw muna siya ng balance.
Nag-alala nga daw siya dahil sa sinabi ng anak na aabot na sa mahigit 600pesos
ang mga kailangan para sa kanyang mga kailangan sa eskwelahan. Mabuti na lang at
hindi ko pa nagastos ang 500pesos na pambili sana ng mga payong kaya inabot ko
na muna sa kanya upang magamit nila. Pati ang payong na gamit ko ay iniwan ko
kay Antonette dahil wala pala itong payong. Dahil kulang na ang pamasahe ko
pauwi sa Cavite, pinagkasya ko ang mga barya hanggang sa Buendia (Pasay) at
dahil umuulan ay patakbu-takbo ako upang makarating sa bahay ng isang kaibigan
na inutangan ko ng pera para magamit sa pagbili ng mga payong sa Baclaran bago
umuwi sa Cavite. Mabuti na lang at inabot ko ang kaibigan kong paalis na sana kung
hindi bumagsak ang ulan. Ang mga payong ay para sa mga pinangakuan kong mga
estudyante noon pa, at ang iba ay pambenta ng mag-asawang may sanggol na
nakilala ko sa Luneta.
Babalikan ko sina Minda upang dalhin kay
Antonette ang mga gamit na naitabi ko na magagamit niya tulad ng laptop bag
dahil ang ginagamit niya ay maliit na backpack lang….
Discussion