Ang Mag-anak na Nangangalakal sa Luneta
Posted on Saturday, 6 August 2016
ANG MAG-ANAK NA NANGANGALAKAL SA LUNETA
Ni Apolinario Villalobos
Nang dumaan ako sa Luneta mula sa Pandacan
isang umaga ay napansin ko ang mag-asawa na nagpapasuso ng anak sa tsupon
subalit ang laman ng bote ay malabnaw na gatas. Tumigil sila upang ayusin ang
mga nakasabit na mga boteng plastic sa likod ng stroller kaya nagkaroon ako ng
pagkakataong makausap sila. Bunso pala nila ang nasa stroller dahil ilang
sandali pa ay may lumapit na tin-edyer sa amin na panganay pala nila. Nang
malaman kong galing pa sila sa Tondo ay hindi na ako nagtanong pa kung kumain
na silaa dahil mag-iikapito na noon ng umaga. Malamang, dahil wala pa silang
naibebentang kalakal, kahit kape ay hindi man lang sila nakahigop.
Halata kong hindi naging maganda ang buhay
ng mag-asawa dahil nakita ko ang mga braso ng misis na may mga gurlis o
natuyong hiwa ng blade, na ginagawa ng mga bangag sa rugby o glue. Ang mister
naman ay walang gurlis subalit may mga tattoo. Malinis ang ayos nila, at dahil
malayo ang agwat ng panganay sa bunso, ay napagtanto kong matagal din siguro
bago nila naisipang magbago, lalo na ngayong si Duterte na ang presidente.
Tinanong ko kung kilala nila si Gerry o si Long Hair na na-blog ko na rin, yong
gumagawa ng sirang payong sa Roxas Boulevard pero tumatambay din sa Luneta, at
sinabi nilang kaibigan daw nila ito.
Ibinili ko sila ng “lugaw with egg” sa
isang puwesto sa Luneta sa halagang 30pesos isa at tatlong pandesal para
tig-isa sila. Tuwang-tuwa sila at noon nila inamin na hindi pa nga sila kumain
nang umalis sila sa Tondo. Noon ko naisipang sa susunod naming pagkikita ay sasamahan ko sila sa pag-uwi nila upang
malaman kung malapit lang sila sa Baseco compound na madalas kong pasyalan.
Pero nang sandaling yon ay hindi ko muna binaggit upang hindi sila maasiwa sa
akin. Ni hindi ko tinanong ang pangalan nila. Pagkatapos mag-iwan ng kaunting
cash sa misis na galing sa natirang bigay ni “Ms. Di” para pambayad sa
paggamit ng CR sa Luneta, pambili ng tanghalian nila, at gatas para sa bunso,
iniwan ko na sila, pero pinakiusapan kong doon sila uli tumambay sa bahagi ng
Luneta kung saan ko sila nakita dahil may ibibigay pa ako sa kanila
kinabukasan. Nag-iwan din ako sa kanila ng trapal at payong, at sa panganay
naman ay libro na padala ni “Perla”…kaya biniro ko sila na dahil may payong
sila at trapal, rain or shine magkikita kami. Bago ako tuluyang nakalayo ay
narinig ko ang nanay na kumanta ng “happy birthday”, hindi ko lang alam kong
sino ang tinutukoy niya….baka ang sanggol na kalong niya.
Discussion