0

Isang Umaga, sa Kubol ng Kaibigan kong Nakatira sa Bangketa

Posted on Monday, 29 August 2016

ISANG UMAGA SA KUBOL NG KAIBIGAN KONG NAKATIRA SA BANGKETA…
Ni Apolinario Villalobos

Ang kaibigan kong ito ay may dalawang anak na ang panganay ay limang taong gulang na nag-aaral sa  DSW prep/kinder school, at ang nakababata ay limang taong gulang naman. Nakatira sila sa isang sulok ng eskinita malapit lang sa Recto/Divisoria at ang tinitirhan ay isang kubol na ang bubong ay pinagdikit na dalawang malapad na trapal na ibinigay ko noong Pebrero. Ipinako ng kaibigan ko ang isang bahagi ng  trapal sa pader. Dahil malapad, nasakop ang kariton at dalawang bangko na gawa sa binaklas na mga kahong dating may lamang imported na prutas galing Tsina. Sa araw ay all-around ang gamit ng dalawang bangko kung pagdikitin – kainang mesa, desk ng anak kung mag-aral ng leksiyon, at patungan ng mga nalinis na gulay na pambenta.

Sa kariton natutulog ang mga bata, ang mag-asawa naman ay dalawang bangko. Dati ay naglilibot sila upang mamulot ng mga mapapakinabangan sa mga basurahan, subalit nang mag-aral na ang panganay ay pumirme na sila sa sulok na kanilang “tinitirhan” ngayon. Pamumulot ng mga itinapong gulay na lanta at reject ang pinagkikitaan nila kaya alas-tres pa lang ng madaling araw ay nasa tambakan na sila ng mga itinapong gulay dahil agawan ang nangyayari.

Umaga noon, bandang 6:00 AM at kararating lang nila mula sa pamumulot. Habang pinupunasan ni misis ang panganay na anak upang ihanda sa pagpasok sa eskwela, nag-usap naman kami ni mister habang hinihintay naming uminit ang tubig na pang-kape. Ang bunso naman ay mabilis na nakatulog.

Ako:     Mukhang marami kayong maibebenta mamaya.
Siya:     Sana ay mabentang lahat dahil may bibilhing pang-project ang anak ko.
Ako:     Ano ba daw na project?
Siya:     Sabi ng titser niya ay album daw ng mga hayop kaya bibili pa kami sa National Book Store, sa Avenida, ng mga larawang gugupitin na lang mamayang hapon.
Ako:     Marami daw ba ang kailangang mga retrao ng mga hayop?
Siya:     Oo yata, eh….kakausapin ko pa ang anak ko pagdating niya mamayang hapon, pagkasundo ni misis. Pero depende din sa ikakasya ng pera.
Ako:     Sana kung iilan lang, pwede nang gumupit sa mga lumang diyaryo na mabibili sa junk shop…mura pa. Black and white nga lang.
Siya:     Ganoon ba?...naku, eh di punta na lang ako sa junk shop diyan sa kabilang kanto. Sigurado ba?
Ako:     Oo….pili ka lang ng mga lumang diyaryo na may mga larawan ng mga opisyal ng gobyerno at mga pulitiko…..mga hayop naman sila, eh….mga hunyango, buwaya, buwitre, ulupong, at aso.

Sa huling sinabi ko, matagal akong tiningnan ng kaibigan ko at sabay kaming tumawa, pati ang
misis niyang nakikinig pala ay napautot sa katatawa!....sumigla ang umaga namin habang
pinagsaluhan ang tutong na kaning nabili ko sa suki kong karinderya na sinabawan ng mainit na
kape…lalo pang pinasarap ang almusal namin ng inihaw na tuyo.

Ang kaibigan ko ay isa sa anim na nabigyan ng bagong kariton na pinagawa ko sa sa isang
karpintero sa Bambang, dahil kinumpiska ang dati nilang ginagamit nang magkaroon ng
sidewalk operation ang Manila City Hall noong bagong umupo si Duterte bilang presidente.
Naging biktima sila ng pagpapakitang-gilas ng LGU social workers.


Discussion

Leave a response