Sana naman ay hindi Mangyari sa Bansa ang Nangyari sa Bilibid
Posted on Monday, 15 August 2016
SANA NAMAN AY HINDI MANGYARI SA BANSA
ANG NANGYARI SA BILIBID
Ni Apolinario Villalobos
Naugat ang problema sa Bilibid na ang mga
nasa “ibaba” pala – mga guwardiya ng mga nakakulong na tumatanggap ng suhol
kaya nagiging direktang kakutsaba sa pagpapalusot ng mga illegal na bagay sa
loob ng kulungan. Kaya pala kahit ilang beses nang nagpalit ng mga opisyal ay
umarangkada pa rin ang mga katiwalian. Subalit ngayong nagkaroon ng marahas na
pagbabago, kasama na ang pagpalit ng mga guwardiya na ang ipinalit ay mga
miyembro ng SAF ng PNP at mga sundalo, inaasahan ang mga pagbabago…sana.
Hindi naiiba ang kalagayan ng Bilibid kung
ihambing sa bansa. Parehong may namumuno, mga opisyal at mga tauhan. Ang
namumuno ngayon ng bansa ay isang matapang na presidente, si Duterte. Nagtalaga
naman siya ng mga opisyal sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Subalit hindi
maiiwasang ang mga sangkot sa mga katiwaliang nasa bandang “ibaba” ay nasa
puwesto pa rin at hindi basta-basta mapapaalis dahil sa kanilang job security
batay sa Civil Service Code, lalo na ang mga naturingang mga Career Service
Officers. Kung ihahambing sa Bilibid, sila ang mga guwardiya.
Nahalatang wala pa ring malawakang
pagbabago dahil ang ginagawa ng mga ilang opisyal na nagpapatupad ay simpleng
“pakitang gilas” lang, kaya pansamantala o ningas cogon. Sinakyan lang nila ang
banta ng pangulo nang makita nito ang mga katiwalaan kaya bigla silang
nagsikilos. Ang sabi tuloy ng mga Pilipino, kaya naman palang kumilos, ay kung
bakit kailangan pang hintaying magmura at magbanta si Duterte. Tulad ng
inaasahan, makalipas ang ilang araw karamihan sa mga “binago” ay bumalik sa
dating anyo. Ang sabi pa ng iba, nakakaduda ang tuluyang pagpigil sa pagkalat
ng droga dahil ang ibang mga sangkot ay nandiyan pa rin at nagpapalamig lang.
At, ang nakakabahala ay alam ito ng mga dapat magpatupad.
Nagbanta ang mga bagong hepe ng ilang
ahensiya sa mga tauhan nila, subalit hanggang doon lang sila….hanggang sa
pagbanta dahil ang ilang mga tiwaling tauhan ay nakakapit pa rin sa mga puwesto.
Lahat ng ahensiya ng gobyerno ay ganyan ang kalagayan, kaya paanong magkaroon
ng pagbabago na gustong mangyari ng bagong pangulo? Kung pagbabago ang gusto
niyang mangyari, dapat ay gumawa ng paraan upang makapagpalit din ng mga “mukha” sa bandang
“ibaba” ng mga ahensiya. Kaya bang gawin ni Duterte sa lahat ng ahensiya ang
sistemang ginamit sa Bilibid? At, ang mga itinalaga niyang mga hepe ng mga
ahensiya, kasing-tapang din kaya niya na kayang magbanta sa mga tiwaling tauhan
ng pagtanggal kung napatunayang sila ay gumawa ng katarantaduhan? May mga
patakaran tungkol dito na nakapaloob sa Civil Service Code, pero kaya bang
ipatupad ang mga ito ng “buong tapang”?
Discussion