January 2015

0

Mindanao

Posted on Friday, 30 January 2015



Alaala ang tula para sa apatnapu’t-apat na minasaker at iba pang nasugatang mga pulis sa Mamasapano, Maguindanao. Sampal din ito sa mga ipokritong tao sa pamahalaan na umitim na ang budhi’t kaluluwa dahil sa kasakiman, mga taong sumisira sa adhikain ng mga Pilipino, at sa isang taong patuloy sa pagmamaang-maangang siya ay magaling, nguni’t ampaw naman pala, dahil magaling lang sa pagsalita, kahit pa diretsong managalog.

Mindanao
By Apolinario B Villalobos

Itinuring na lupang ipinangako -
Ng mga Pilipinong dito ay napadako
Mga naglakas -loob na makipagsapalaran
Hindi inalintana panganib na madadatnan.

Maraming kuwento ang aking nalaman -
May mga kulay ng lungkot at kaligayahan
Nguni’t lahat ay puno ng hangarin, ng pag-asa
Sa lupang ipinangako, magigisnan, bagong umaga.

May mga Pangasinense, Kapampangan, Ilocano
Mayroong Bicolano, Bulakeño, Caviteño, Batangueño
Mga taga-Luzon silang dala ay lakas ng loob, kasipagan
Hindi ininda ang init sa  pagbungkal ng tigang na kabukiran.

Mayroon ding galing sa Antique, Negros, isla ng Cebu
Sumunod ang mga taga-Leyte, Romblon, Guimaras at Iloilo
Ano pa nga ba’t sa malawak, mayaman at luntiang Mindanao
Iba’t iba man ang salita,  pagkakaisa pa rin, pilit na nangibabaw.

Hitik sa kwentong makulay ang buong isla ng Mindanao
Unang tumira’y mga kapatid nating sa relihiyon, iba ang pananaw
Silang mga  taal na katutubo, makukulay, matatapang at mahinahon
Tanging hangad ay mabuhay ng matiwasay, tahimik, sa lahat ng panahon.

Ang mga  Kristiyano, Muslim, Lumad – lahat sila ay nagkakaisa
Nagtutulungan, nagbibigayan, mga paniwala man nila ay magkaiba
Nguni’t dahil sa makasariling hangad ng ilang gahaman sa kapangyarihan
Animo kristal na nabasag, iningatang magandang samahan at katahimikan.

Nguni’t tayo ay Pilipino, iba tayo – lumalaban na may masidhing pag-asa
Sa harap ng masalimuot na mga problema, matatatag na kalasag ay nakaamba
Ito’y ang masidhing paniniwala sa Maykapal, malalim at marubdob na kapatiran
Ugaling nagbuklod sa mga taga-Mindanao, magkaiba man ang pananaw at kaugalian.

Ating isigaw-
Mabuhay ang Mindanaw!

0

Habang Buhay na Bangungot ni Pnoy



Habang Buhay na Bangungot Ni Pnoy
Ni Apolinario Villalobos

Hindi kayang palambutin ang puso ng mga Pilipino ng animo ay pagpapaawa ni Pnoy sa paulit-ulit na pagbanggit niya ng kamatayan ng kanyang tatay, na sa kanyang tingin ay bayani. Pinalampas niya ang pagkakataong maski papaano ay makaamot ng kaunting pang-unawa mula sa mga Pilipino kung sinalubong niya ang pagdating ng mga bangkay ng apatnapu’t-apat na mga pulis na pinatay… minasaker sa Mamasapano, Maguindanao. Sa halip ay minabuti pa niyang magsalita sa pasinaya ng isang pagawaan ng mga sasakyan, na maaari naman niyang italaga sa Bise-Presidente o sa kalihim ng ahensiyang may kinalaman sa negosyong ito. At, siguradong mauunawaan naman ng nag-imbita sa kanya.

Pero, nakitaan niya ang okasyon ng pasinaya ng isa na namang pagkakataon upang mabuhat ang bangko ng kanyang pamilya. Sa kanyang talumpati, sinabi niya na kahit sa panahon ng Martial Law ay umasenso pa rin ang pagawaan. May parunggit na naman siya sa namayapang si Ferdinand Marcos. Alam din ng lahat, na banggitin lang ang Martial Law ay maaalala rin ang pagkamatay ng tatay niya na si Noynoy… alaalang  namantsahan ng mga kapalpakan niya bilang presidente ngayon. Pati ang alaala ng kanyang nanay na naging presidente ay wala na ring epek sa mga Pilipino dahil wala rin naman itong nagawa upang makaahon ang mga Pilipino sa epekto ng Martial Law.

Nang magsalita si Pnoy sa necrological service ng minasaker na apatnapu’t-apat na pulis ay binanggit na naman niya ang kamatayan ng kanyang tatay, na masakit na sa tenga ang dating. Kaylan kaya siya titigil sa pagbanggit ng kamatayan ng kanyang tatay, na dapat pala ay hindi dinaluhan ng mga hindi kilala ng kanilang pamilya dahil ito naman pala ang kanyang panuntunan?...na ang lamay ng isang namayapa ay hindi dapat daluhan ng hindi kilala nito.

Ang alaala ng mga problema sa kanyang pamamalakad ng gobyerno na lalong idiniin ng kamatayan ng mga pulis sa Mamasapano, Maguindanao ay magsisilbing bangungot na nakadikit sa kanyang diwa, na parang aninong hindi humihiwalay sa katawan. Bangungot din niya ang nakapanhihinayang na mga pagkakataon na kanyang pinalampas dahil pinairal niya ang kanyang pagkamakasarili. Bangungot din ang mga mukha ng kanyang mga kaibigan na dahilan ng kanyang pagbagsak na may matunog na lagapak.

Kung hindi siya naging presidente, maaaring napanatili ang paniwala ng mga Pilipino na “bayani” ang kanyang tatay at “nagsakripisyo” ang kanyang nanay upang maging tulay tungo sa pagbabago mula sa panahon ng Martial Law.  Lahat nang mga iyan ay kanyang nilusaw sa loob ng panahon ng kanyang pagiging presidente na malapit nang magtapos, na ang dulot sa mga Pilipino ay dusa lamang.

Maitatala sa iba’t ibang aklat ng kasaysayan ng Pilipinas na bukod tangi siyang presidente na maraming pinagtakpang anomalya…sa ngalan ng pagkakaibigan. Maitatala rin ang record breaker na nakawan sa kaban ng bayan, pati ang nakakahiyang pagnakaw ng mga donasyon na nakalaan para sa mga biktima ng kalamidad lalo na ng bagyong Yolanda. Maitatala pa rin ang kawalang aksiyon sa mga anomalya dahil maski isang pagsuspinde ng mga sangkot ay walang nangyari. At higit sa lahat, ang sinasabi niyang asenso ngunit nasa papel lamang.

Magsisi man siya at maghinagpis, ay huli na….bangungot na lang ang asahan niya – habang buhay. At tuwing gigising siya sa umaga, malamang na ang unang mamumutawi sa kanyang mga labi ay mga salitang “sana” at “sayang”… kung mayroon pa siyang maski kapirasong konsiyensiya.

0

The "Forty-four"...policemen heroes of Mamasapano

Posted on Thursday, 29 January 2015



The “Forty-Four”
…policemen heroes of Mamasapano
By Apolinario Villalobos

At Mamasapano…there at Maguindanao
the “forty-four” met their fate,
Pawned by one whose selfish desire,
Led them to the fatal mire.

Wasted youth …..
but never their courage,
Wasted strength ….
But never their ideals,
That like the wind ……
shall blow without end.


(The “forty-four” policemen, mostly young, were massacred at Mamasapano, Maguindanao on January 25, 2015. They were members of the Special Action Force (SAF) of the Philippine National Police who tried to serve the warrant of arrest to two notorious terrorists, Abdulbasit Usman and Zulkipli Bin Hir alias Abu Marwan. Unfortunately, the contingent was surprised by an ambush staged by the BIFF, and Moro Islamic Liberation Front (MILF) that claimed “misencounter” due to the lack of coordination, but which most Filipinos did not believe.)

0

May isang Mildred...



May Isang Mildred…
(para kay Mildred Palabrica-Balili)
Ni Apolinario Villalobos

May isang Mildred akong nakilala
Ngiti niya sa labi ay talagang kaaya-aya
Kaya hindi pagtatakhang kanyang mabighani
Ang mga binatang naghahanap ng isang mayumi.

Naging kaisang-dibdib ay mapalad
Hirap ma’y natamo ang “oo” na hangad
Kaya lahat, ginawa upang kanyang maipakita –
Na hindi nagkamali si Mildred sa pagpili sa kanya.

Pinuhunan nilang pagmamahalan -
Kapalit, masaya’t maaliwalas na tahanan
Puno ng buhay dahil sa matitikas nilang supling
Kaya sa panginoon, sila’y wala na yatang mahihiling.

‘Yan si Mildred, maganda’t masinop
Kaya sa swerte, siya’y hindi nagdadarahop
Ngayon, basta’t may pagkakataon ay namamahagi-
Panahon man o bagay na kaya niya, kahit ito’y tingi.



0

Sa Amin....sa Mindanao

Posted on Wednesday, 28 January 2015



Sa Amin…sa Mindanao
Ni Apolinario Villalobos

Luntiang kaparangang halos walang hangganan
Kabundukang kahi’t paano’y balot pa ng kagubatan
Mga batis na animo ay musika ang paglagaslas
‘Yan ang Mindanao na ganda’y ubod ng timyas.

Malalagong palay, sa ihip ng hangin ay umiindayog
Mga masisiglang alagang hayop, lahat ay malulusog
Mga halamanang gulay, mayayabong ang dahon
‘Yan ang Mindanao na nabibiyayaan ng panahon.

Maraming katutubo, iba’t ibang makukulay na tribu
Magkakapitbahay ay mga Muslim at mga Kristiyano
Sila’y nagbibigayan, taos-pusong nagkakaunawaan
‘Yan ang Mindanao na may pangakong kaunlaran.

Subali’t kung ang pagkagahama’y biglang umeksena
Ang mga minimithing pangarap, lahat ay nababalewala
Kung bakit naman kasi may mga taong puso’y sakim
At mga adhikaing baluktot na dulot ay paninimdim.

Sa amin sa Mindanao ay masaya at may kasaganaan
Kaya dinayo ng mga tao na ang hanap ay kapayapaan
Nguni’t dahil sa damdaming sakim ng ilang hangal
Nakakabahalang ang tinatamasa ay baka ‘di tumagal!