0
Ang Epekto ng mga Ginagawa natin sa ating Kapwa at Kalikasan
Posted on Friday, 29 April 2016
Ang
Epekto ng Mga Ginagawa Natin
Sa Ating Kapwẳ at Kalikasan
Ni Apolinario Villalobos
Ang mga ginagawa natin araw-araw ay
nakaka-apekto sa ating kapwa, sa loob man ng tahanan o pinagtatrabahuhan, at sa
labas ng mga ito. At, hindi lang sa ating kapwa-tao ang epekto kundi pati na
rin sa ating kapaligaran at kalikasan.
Nakakatawa, subalit ang mistulang pag-utot
natin ay nakaka-apekto sa ating kapwa lalo na kung tayo ay nasa loob ng isang
lugar na kulob o saradong-sarado kaya naka-aircon, at lalong matindi kung sira
ang aircon. Hindi rin ito nakakatawa dahil may nabasa akong balita sa internet
na dahil sa sobrang amoy ng utot na pinakawalan ng katabi niya ay may buntis na
hinimatay at nakunan. At, mayroon pang na-heart attack dahil sa sobrang
katatawa. Nakakasira din ito sa tahimik na bulwagan kung saan ay may nagko-
konsiyerto. Ang utot ay humahalo sa hangin na pumapailanlang sa kalawakan kaya
nakakadagdag sa pagkasira ng ozone layer. Yan ang dahilan kung bakit may mga
bansang nagbawas ng inaalagaang baka (cow) dahil sa madalas nilang pag-utot,
kaya lumalabas na malaki ang naaambag nila sa pagkasira ng ozone layer. Tanggap ng siyensiya o agham ang katotohanang
ito.
May mga taong nagkaroon lang bigla ng
maraming pera sa hindi ko na sasabihing dahilan kaya nakayanang bumili ng ilang
sasakyan ay nakalimutan nang mag-commute. Mamamalengke lang ang misis sa
palengkeng malapit lang naman ay naka-kotse pa. Maghahatid lang ng anak sa
barkada niya sa katabing subdivision ay naka-kotse pa. Pupunta lang sa assembly
area ng jogging ay naka-kotse pa…etc. Nakapag-aral naman ang mga ito at
nakakabasa ng mga balita sa internet, kaya nakapagtatakang hindi nila alam na
ang napakasimple nga lang na pagwa-warm up ng sasakyan ay nagreresulta na sa
pagbuga ng carbon dioxide na sumisira ng ozone layer. Dahil sa madalas na
paggamit ng mga sasakyan na gusto lang yatang i-display sa mga kapitbahay ay
obvious na guilty rin sila sa pagkasira ng ozone layer.
May mga mayayabang din na talagang
sinasadya ang pagpabago ng tambutso ng mumurahin nilang single na motorcycle na
second hand pa, upang magkaroon ng epek na animo ay dambuhalang motorcycle kung
paandarin nila dahil sa ingay….noise pollution naman ito maliban pa sa carbon
dioxide pa ring binubuga ng todo dahil tinanggalan ng filter ang tambutso. At
hindi lang ozone layer ang apektado dito, kundi pati mga kapitbahay lalo na
kung umuwi sa hatinggabi o madaling araw
ang mayabang. At dahil sa ingay, pati na rin ang ibang tao sa kalye ay
apektado kung magpaharurot ang mayabang ng kanyang lumang single motorcycle.
May mga taong walang pakundangan kung
magtapon ng pinagbalutan ng kinakain nila habang naglalakad. Kawawa ang mga
bahay na madaanan nila dahil kung saan naubos ang banana cue ay doon din nila
itatapon ang stick – kahit sa tapat ng gate mismo. Yong ibang tinatapon ay
paper cups na nilagyan ng sauce ng fish ball at stick din, pinagbalutan ng ice
cream- in- stick, boteng plastik ng tubig at softdrink, etc. Matindi naman ang
mga nakasakay sa dyip o bus na nagtatapon ng basura sa labas ng bintana kaya
naikakalat ito, sa halip na iuwi o ilagay sa ilalim ng upuan ng bus, o kung
dyip ay sa basurahang inilaan ng drayber.
Yong ibang garapal ay inilalagay ang
basurang naipon nila sa bahay sa napakagandang shopping bag, bibitbitin palabas
at tityempo sa pagtapon sa ilog kung merong malapit sa kanilang tinitirhan, o
di kaya ay isasakay sa maganda nilang kotse sa pagluwas nila ng Maynila at
itatapon sa tabi ng highway o mismong Cavitex, SLEX o NLEX, kung malayo na sila
sa patrol o toll booth….alam ko yan dahil may nakita na ako!
Maraming nagagalit kapag may naririnig na
balita tungkol sa mga basurang nakatambak sa tabi ng dagat, sa ilog mismo, at
kung saan-saan pang bahagi ng lunsod. Sumasali din sila sa mga clean up drive
at nakasuot pa ng t-shirt, pero halata namang karamihan sa kanila ay gusto lang
magpakodak upang may mailagay sa facebook. Galit sila sa mga nagkakalat ng
basura, subalit hindi nila “naalala” ang pagtapon nila ng candy wrapper o upos
ng sigarilyo sa kalsada!
At, ang pinakamatindi ay ang epekto ng
pagpasok ng iba sa larangan ng pulitika upang magpayaman. Dahil natanim sa isip
nila ang nasabing layunin, lahat ay gagawin upang manalo sa eleksiyon kaya
mamimili ng boto at kung mananalo nga ay mangungurakot upang mabawi ang
ginastos. Dahil diyan apektado ang badyet ng bayan dahil sa pagnanakaw nila
kaya ang taong bayan naman ang nawalan ng mga project na pakikinabangan sana
nila. Bukod pa diyan, ang iba ay papasok sa mga illegal na gawain tulad ng
logging at pagmimina, pati na droga. Dahil sa mga illegal na gawain, nasira ang
kalikasan, naudlot ang pag-unlad ng bayan, at nasira ang moralidad ng mga tao.